Sa kabila ng pagpapahayag ng lubhang pagkabahala ng Pilipinas sa bagong direktiba ng China na pag-aresto sa trespassers sa disputed waters epektibo sa Hunyo 15, iginiit ng PH ang panawagan nito sa China na itigil ang anumang aksyon na makakasira sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sakali man na ipatupad ito ng China sa loob ng ilegal at walang bisa na 10 dash line kung saan sakop nito ang West PH Sea na nasa hurisdiksiyon ng Pilipinas, direkta aniya itong lalabag sa international law.
Saad pa ng DFA na ang bawat sovereign estate ay may karapatang bumalangkas at magpatibay ng mga batas kabilang ang pagpapatupad ng lokal na batas sa loob ng nasasakupan nito. Gayunpaman, ang mga lokal na batas ng estado ay hindi maaaring ipatupad sa teritoryo, maritime zone o hurisdiksyon ng ibang mga estado, o lumabag sa ibang mga karapatan ng sovereign states sa ilalim ng international law.
Ayon sa Foreign Affairs department, ang naturang regulasyon ng China ay inilabas batay sa 2021 Coast Guard law na ilegal ding nagpalawak ng maritime law enforcement powers ng China Coast Guard.
Sinabi pa ng ahensya na dapat tiyakin ng Tsina na ang mga batas nito ay malinaw na sumasalamin at sumusunod sa mga pangako at obligasyon nito sa ilalim ng international law, partikular na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea, at ang umiiral na 2016 Arbitral Award sa pinagtatalunang karagatan gayundin ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties sa disputed waters.
Una rito, sa ilalim ng bagong regulasyon ng China, ang China Coast Guard ay awtorisado na pigilan at ikulong nang hanggang 60 araw nang walang paglilitis ang mga iligal na papasok sa kanilang inaangking karagatan na nasa ilalim umano ng kanilang hurisdiksyon