Mga programa ng PNP na maglalapit pa sa organisasyon sa komunidad, ipinagmalaki ni PNP Chief Cascolan, first Cordilleran Chief PNP sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Cordillera; Dream Team ng Chief PNP, ipinakilala
BAGUIO CITY – Pinangunahan ng Baguio boy at first Cordilleran Chief PNP na si PNP Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang flag raising ceremony ng Baguio City Police Office (BCPO) at ng lokal na pamahalaan ng Baguio City .
Pinangunahan din niya ang pag-turnover sa bagong patrol vehicle at karagdagang mga armas at cheque na nagkakahalaga ng P7.2-M para sa pagbili ng communication equipment ng Baguio Police.
Sa pagtalumpati ng Chief PNP, ipinakilala niya ang kanyang tinawag na Dream Team na binubuo ng mga opisyal ng PNP na ayon sa kanya ay mga kasama niyang nangangarap ng malaki para sa organisasyon kung saan gusto nilang magdala ng innovations at initiatives na makakatulong sa organisasyon at sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan.
Bahagi din ng kanilang programa ang pamamahagi ng mga food packs sa mga piling lugar sa bansa.
Nagsimula na din aniya ang decongestion ng mga regional caps kung saan hindi lang naka-confine sa Camp Crame ang Directorates for Integrated Police Operations (DIPOs) kung saan, pumupunta na ang mga ito sa ibat-ibang bahagi ng bansa para magsilbi at ipadama ang kanilang presensia sa mga tao lalo na sa mga nasa mountainous areas.
Nagsimula na rin ani Cascolan ang facility development ng PNP na nasimulan sa PNPA habang iniatas na sa mga regional offices ng PNP ang mga responsibilidad ng mga ito sa mga anti-criminality.
Pinagtibay din aniya ang mga special units ng PNP na nakatalaga laban sa terorismo.
Kanina din ay pinangunahan ni PNP Chief Cascolan ang ceremonial burning ng milyon-milyong halaga ng mga marijuana sa Police Regional Office Cordillera sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet.