-- Advertisements --

ILOILO CITY – Maraming plano ang bagong pinuno ng National Prosecution Service (NPS) na isang fiscal mula Iloilo matapos manumpa sa tungkulin.

Mismong si Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra ang nanguna sa panunumpa ni Atty. Benedicto Malcontento, tubong Brgy. Jelicuon Montinola, Cabatuan, Iloilo.

Si Malcontento ay 26 taon nang abogado sa private sector bago humalili kay retired NPS prosecutor general Victor Sepulve.

Nagtapos ang piskal ng kursong Bachelor of Arts Major in Political Science sa University of San Agustin sa lungsod ng Iloilo at Bachelor of Laws sa San Beda College of Law.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Malcontento, sinabi nito na malaking karangalan sa kanya na pamunuan ang 2,500 na mga prosecutor sa buong Pilipinas.

Kabilang sa kanyang pagtutuunan ng pansin ay ang mabilisang pagresolba ng mga nakabinbing kaso at ang pagtutok sa mga kaso na nakakaapekto sa ekonomiya at peace and order.

Sa ngayon ayon kay Malcontento, kulang pa ng higit sa 500 na mga prosecutor sa buong bansa at nananawagan ito sa mga kapwa abogado na magtrabaho sa gobyerno.

Tiniyak naman ng NPS prosecutor general na maging patas ito sa pagresolba ng mga kaso na hindi naaayon sa political color, religious belief at socioeconomic standing.