-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtatayo ng bagong public transportation hub sa Taguig.

Ginawa ni DOTr Sec. Jaime Bautista ang anunsiyo kasabay ng groundbreaking ceremony na isinagawa nitong Lunes, Pebrero 3 para sa pagsisimula ng konstruksiyon ng naturang terminal na tatawaging Taguig City Integrated Terminal Exchange (TCITX).

Layunin aniya ng public-private partnership project na ito na maging instrumento sa pag-decongest ng mga pangunahing daanan at magbigay ng mas maayos na paglalakbay para sa mga komyuter.

Naglalayon din aniya ito na i-rationalize ang mga transfer point ng mga tao at kalakal sa bansa, lalo na para sa commuting public na nagmumula sa Laguna, Cavite, at Batangas.

Ang ipapatayong terminal ay 5.57 ektarya at may kapasidad na ma-acommodate ang 160,000 pasahero at 5,200 sasakyan kada araw.

Kabilang sa ipapatayo ang passenger terminal buildings, arrival at departure bays, public information systems, ticketing and baggage handling facilities, at park-ride facilities.

Ayon sa kalihim, ang operational launch ng naturang terminal ay isasagawa sa unang kwarter ng 2028.