Nanumpa na sa harap ni Chief Justice Lucas Bersamin bilang bagong miyembro ng Supreme Court (SC) si Associate Justice Henri Jean Paul Inting.
Ginanap ito sa mismong tanggapan ng kataas-taasang hukuman sa Padre Faura Street, Manila.
Dumalo rin sa aktibidad sina Court of Appeals (CA) Presiding Justice Romeo Barza, Senior Associate Justice Antonio Carpio at iba pang miyembro ng SC at CA.
Si Inting ang humalili kay Bersamin sa binakante nitong pwesto bilang associate justice, na dati nitong tungkulin bago umakyat bilang punong mahistrado.
Ang bagong SC justice ay isinilang sa lalawigan ng Davao del Sur, naging CA justice siya noong 2012, makaraang magsilbi ito bilang hukom ng Quezon City Regional Trial Court.
Nagtapos siya sa Ateneo de Davao University, bilang senior corporate attorney ng National Housing Authority Government Corporation noong 1983 at supervising staff assistant sa Intermediate Appellate Court (CA ngayon) noong 1984.
Siya rin ay kapatid ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Socorro Inting.
Ikasiyam si Inting sa mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang associate justice ng Korte Suprema.