Posible umanong sertipikahang urgent uli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong Security of Tenure Bill na inihain sa Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, magsusumite mismo si Labor Sec. Silvertre Bello III ng isang bersyon para dito.
Magugunitang maging si Sen. Joel Villanueva ay nakapaghain na rin ng isa pang bersyon ng Security of Tenure Bill matapos i-veto ni Pangulong Duterte ang naunang bersyong ipinasa ng Kongreso.
Ayon kay Sec. Panelo, magkakaroon pa rin ng mga babaguhin sa bill ni Sen. Villaneuva at maaaring dito isama ang bersyon naman mula sa labor secretary.
Samantala, dumepensa naman ang Malacañang sa pahayag ni Bayan Muna Rep. Karlos Zarate na inililihis lang ang atensyon ng publiko sa pagkaka-veto ng Security of Tenure Bill sa pamamagitan ng utos ni Pangulong Duterte na ipasara ang lahat ng Philippine Charity Sweepstakes Ofice (PCSO) gaming outlets.
“Doon sa kaibigan kong si Cong. Zarate. Cong. Zarate, nakalimutan mo na ilang taon iyan na may ENDO, decades. Nung dumating si Presidente ang daming naregularize, daang libo. At ang kanyang focus ay matigil iyan,” ani Sec. Panelo.