-- Advertisements --

Nasa 10 abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) ang hahawak ng bagong set ng civil cases laban sa mga dawit sa pamamahagi ng Dengvaxia vaccine na nagresulta sa pagkamatay ng daan-daang batang estudyante.

Ito ang kinumpirma mismo ni PAO Chief Atty. Persida Rueda Acosta kasunod na rin ng tuloy-tuloy na pagkapanalo mula sa mga pinagdaanan ng kaniyang opisina.

Ayon kay Acosta, nakatakdang ihain ang mga kasong ito sa mga susunod na linggo upang pagbayarin ang mga responsable sa Dengvaxia case. Gayundin ang matagal na panahon nang paghingi ng hustisya ng mga naiwang pamilya ng mga biktima.

Hahawakan ng mga abogadong ito ang nasa 100 civil cases na ihahain sa Regional Trial Court sa Quezon City.

Magpapatuloy aniya ang laban sa mga batang namatay dahil sa Dengvaxia kahit pa ilang beses na nitong nilinaw na hindi nila tinutuligsa ang pamamahagi ng bakuna.

Taliwas umano ito sa sinasabi ng ilang sektor na ang tanging nais lang aniya ay sirain si Acosta maging ang PAO at ang forensic laboratory nito.

Huwag daw sanang kalimutan na ang tunay na isyu rito ay ang pagtuturok ng Dengvaxia vaccine sa mga bata kahit hindi ito dumaan o sumunod sa regulatory processes.

Pagpapaliwanag pa ni PAO chief na may kakulangan sa mga indibidwal na sangkot sa naturang programa kung kaya’t ang mga walang kamuwang-muwang na mga bata ang naghirap at namatay dahil sa kapabayaang ito.