BUTUAN CITY – Ini-report na ng mga caretakers ng Sideways Travelers’ Lodge sa may Purok 3A-, Brgy. Holy Redeemer nitong lungsod ng Butuan sa City Social Welfare and Development (CSWD), ang bagong silang na sanggol na iniwanan lang ng kanyang ina matapos mag-check in kahapon sa Room No. 15.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng caretaker na si Lore John ‘LJ” Barnizo ng pasado alas-otso na kagabi nila nakita ang bata na natabunan na sa kumot matapos iniwanan ng kanyang ina.
Alas-3:00 ng hapon daw ay nagpaalam pang kakain lang ngunit hindi na bumalik.
Nang magpaso na ang oras na ng kanyang pag-check in ay kanila nang pinuntahan ang kwartong nirentahan nito at ng walang sumagot sa kanilang mga katok ay dito na nila sapilitang binuksan ang kwarto.
Dito na nila nakita ang nagdurugo ng beddings at foam na may iniwang note sa ibabaw ng unan na nagsasabing kanyang iiwan ang kanyang anak sabay hiling na sana’y aalagaan at aarugain ito ng mabuti.
Unti-unti na umanong nag-iba ang kulay ng kanyang mga paa dahil sa sobrang lamig ng kwarto at hiniling pa ng ina na “Gabriel” ang ipapangalan nito.
Nakasaad din sa note na taga-Langihan lang siya at kailangan niya itong gawin dahil lasinggero ang kanyang ama at patuloy pa siyang nag-aaral ng midwifery habang nagwo-working student.