BACOLOD CITY- Patuloy pa rin na pinaghahanap ng kapulisan ang ina o ama na nag-iwan sa patay na sanggol sa gilid ng tubuhan sa lungsod ng Talisay, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Senior Master Sergeant Rodolfo Hijan, imbestigador ng Talisay City Police Station, inihayag nito na agad na inilibing ang sanggol na tinatayang may edad na dalawa hanggang tatlong araw na inabandona sa gilid ng kampo ng tubo sa Hacienda Santa Maria Dos, Barangay Zone 15, Talisay City.
Ang sanggol na nakabalot sa manila paper ay nakita ng dalawang construction workers na nagtatrabaho sa mansion malapit sa lugar.
Inakala ng mga ito na nahulog lamang mula sa sasakyan ang papel ngunit ng binuksan nila ito, laking gulat nila na isa itong sanggol.
Ayon kay Hijan, wala pa silang lead kung sino ang nagtapon sa sanggol ngunit naniniwala sila na taga-Talisay din ito o napadaan lang sa lugar.
Nanawagan din ito sa nakakita kun sino ang nagtapon sa sanggol na pumunta sa police station upang magreport.
Umaasa din ang imbestigador na makokonsensya ang mga magulang ng inosenteng sanggol.