-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasalukuyang inoobserbahan sa Aklan Provincial Hospital ang isang bagong silang na lalaking sanggol matapos iwan sa may taniman ng kalamansi sa Sitio Guba, Barangay Tigayon, Kalibo, Aklan.

Ayon sa Kalibo Municipal Police Station, nakita ng isang magsasaka ang sanggol na walang damit, binalot ng jacket at isinilid sa isang bag na itim.

Halatang gutom at nilalamig ang sanggol matapos mabasa ng ulan.

Nagtulungan ang mga residente upang madamitan at mapadede ito.

Nagkusa naman si Patrolwoman Glaiza Marie Hilario ng Women and Children Protection Desk ng Kalibo PNP na mapa-breastfeed ang sanggol.

Si Hilario ay mayroon rin na tatlong buwang sanggol.

Isasailalim sa pangangalaga ng Kalibo Municipal Social Welfare and Development Office ang sanggol sa oras na makalabas ng ospital.