-- Advertisements --

Nahaharap ngayon sa kasong attempted murder ang 23-taong gulang na babae matapos nitong iwan sa banyo ng isang hotel ang kaniyang bagong silang na anak.

Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Miki Ozawa, naninirahan sa Fujieda City at kasalukuyang empleyado ng hindi pinangalanang business hotel.

Nabatid ng mga otoridad na bandang 9:30 ng umaga nang marinig ng isang empleyado rin ng hotel ang iyak ng sanggol na nagmula umano sa banyo ng babae. Hindi raw ito nagdalawang isip na pumasok sa loob at saka niya rito nakita ang bagong silang na bata habang nakakabit pa ang umbilical cord at nakalagay sa basurahan.

Sa ngayon, nasa maayos na kalagayan ang sanggol at isinailalim ito sa protective custody ng child welfare center ng Kakegawa City.

Inamin naman ng ina ang kaniyang ginawa at sinabing hindi niya alam kung papaano haharapin ang sitwasyon kung kaya’t napagdesisyunan nitong iwan na lamang sa basurahan ang kaniyang anak.

Samantala, wala umanong kaalam-alam ang kaniyang mga katrabaho na nagdadalang-tao pala ang suspek.