-- Advertisements --

Iimbestigahan ng bagong Special Committee on Human Rights Coordination na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos ang umano’y pang-aabuso, kabilang ang mga naiulat na extra-judicial killings (EJKs) sa anti-illegal drugs operations ng Duterte administration.

Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez kasama sa mandato ng komite na ireview ang lahat ng mga kasong nakabinbin may kinalaman sa iligal na droga.

Aniya, marami kasing nagsasabi na may namatay sa extra-judicial killing.

Sa kabilang banda, nilinaw ni Vasquez na hindi ito ginagawa ng special committee dahil sa patuloy na imbestigasyon na isinasagawa ng International Criminal Court (ICC) sa mga EJK na nagawa umano ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang magiging layunin aniya nito ay tiyakin ang pagtalima sa karapatang pantao, sa law enforcement, sa criminal justice at sa lahat ng polisiya ng ating gobyerno.