Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang pagtutok sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, kasabay ng pagtatag ng isang special investigation task force na naatasang buwagin ang mga hindi-lisensiyadong POGO.
Nitong Sabado ay binuo ang naturang task force at tinawag bilang Special Task Force Skimmer.
Ito ay papangunahan ni PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Michael John Dubria, habang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang magsisilbing lead unit.
Kabilang sa mga police unit na magiging bahagi ng naturang task force ay ang Directorate for Operations, Directorate for Police Community Relations, Anti-Cybercrime Group, Anti-Kidnapping Group, Women and Children Protection Center, Special Action Force, Highway Patrol Group, Aviation Security Group, Maritime Group, Police Security and Protection Group, Directorate for Intelligence at ang Intelligence Group.
Kabilang sa mga magsisilbing papel ng naturang task group ay ang intelligence buildup, formulation ng mga operational plan, at pagpapatatag sa information network ng PNP kasama ang mga brgy, pokus ang posibleng operasyon ng mga POGO.
Naatasan din itong maglatag ng interoperability kasama ang iba pang law enforcement agecnies, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng STF Skimmer, umaasa ang PNP na mabubuwag ang mga iligal na operasyon ng mga POGO sa bansa sa pamamagitan ng malawakang law enforcement operation at legal action.
Sa pamamagitan ng law enforcement operations na isinagawa ng mga pinagsanib-pwersa ng mga law enforcers, umabot na sa 5,834 na biktima ang nagawang ma-rescue habang 1,175 suspect ang naaresto; 875 dito ay pawang mga Chinese nationals.
Una nang inatasan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga inventory sa mga offshore gaming operations sa kanilang lugar.