-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nadiskubre ng mga botanical experts ng bansa at ng Australia ang isang bagong species ng endemic tree sa lalawigan ng Dinagat Islands sa Caraga region.

Napag-alaman kina Professor Edwino Fernando ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) at Dr. Peter Wilson ng Australian Institute of Botanical Science ang nakadiskubreng kahoy noong October 29.

dinagat tree

Kanila na ring nai-publish ito sa isang artikulo ng Telopea, ang journal ng Plant Systematics.

Ayon sa kanila, makikita lamang sa Pilipinas lalo na sa Mount Redondo, sa bayan ng Loreto ng Dinagat Islands ang Tristaniopsis Flexuosa, isang maliit kahoy na aabot lamang sa tatlong metro ang taas.

Pinangalanan aniya itong “flexuosa” dahil iba at baliko ang sanga nito at wala itong kaparehong kahit anong klase ng kahoy sa tinatawag na “species of the genus” dito sa bansa na may malilit na mga dahon, may makinis na kulay gray na balat at mga guhit na red-brown sa ilalim ng balat.

Ito ay inilagay na sa UPLB Museum of Natural History (MNH) Forestry Herbarium and Wood Collection.

Nabatid na mayroon itong kaparehong uri ng puno sa Borneo na nakilala sa tawag na Tristaniopsis Elliptica.