Naniniwala ang National Security Council na malaki ang maitutulong sa pamahalaan ng bagong pinasinayaan na surveillance station sa Pag-Asa Islands.
Maalalang una nang sinabi ng Philippince Coast Guard na ang naturang surveillance station ay may kakayahang makapaghatid ng real time report ukol sa mga pangyayari sa West Philippine Sea.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, makakatulong ang bagong pasilidad upang mabantayan ang mga pangyayari sa WPS.
Malimit aniya na magsagawa ang ang Chinese Coast Guard at mga militia vessel nito ng agresibo at iligal na aktibidad at maniobra laban sa mga mangingisdang Pilipino, kasama ang kanilang mga patrol boats.
Ayon kay Año, kailangang mabantayan ang mga tuloy-tuloy na bullying na ginagawa ng mga Tsino at hindi dapat hayaan ng pamahalaan na nagpapatuloy lamang ito nang hindi nababantayan.
Ayon naman kay PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, ang bagong surveillance station sa Pag-Asa islands ay magkakaroon ng mga makabagong kagamitan at teknolohiya katulad ng mga bagong radar, coastal camera, at vessel traffic management.
Ang Pag-Asa Islands ay bahagi ng Spratly Islands na isa sa mga pinag-aagawang isla na nasa West Philippine Sea.