Inimbitahan ng Boeing company ang humigit kumulang 200 airline pilots, technical leaders at regulators para sa isasagawang informational session.
Ito ay bilang parte ng pagbibigay impormasyon patungkol sa plano na muling payagan lumipad ang mga Boeing 737 max aircrafts.
Ang pagpupulong na ito ay tungkol sa nalalapit na completion ng bagong software patch ng Boeing, ngunit kinakailangan pa rin daw nito ng regulatory approval bago gamitin.
Sa pahayag na inilabas ng Boeing, patuloy pa rin daw ang pakikipag-ugnayan nito sa kanilang mga customers at regulators sa software at training updates para sa nasabing aircraft.
Patuloy pa rin ang pag kwestyon ng Ethiopian Airline kung sinabi ng Boeing sa mga piloto ang tungkol sa agresibong software na mayroon ang eroplano, kung saan naging dahilan upang bumaba ang nguso ng eroplano na hinihinalang sanhi sa malagim na plane crash sa Ethiopia na nag-uwi sa pag suspinde sa lahat ng 737 max jets.
Kasama sa mga inimbitahan ng Boeing si Ari Askhara, Chief Executive Officer ng Garuda Indonesia, na una ng nagpahayag sa pagkansela ng kanilang kumpanya sa 49 na orders ng 737 MAX jets dahil umano sa pagkawala ng tiwala ng kanilang mga pasahero sa eroplano.
Ngunit ayon kay Askhara, hindi sila makapagpapadala ng piloto dahil short notice na umano ang imbitasyon.
Sa kabilang banda ay nagkumpirma naman na magpapadala ng representative ang Singapore Airline.
Ayon sa US officials, magdadagdag ng 15 minutong training upang tulungan ang mga piloto na i-deactivate ang anti-stall system kung sakaling magkaroon ulit ng problema sa sensor data ng eroplano.
Samantala, ieextend naman ng American Airlines ang pagkansela sa flight schedules ng kanilang 737 MAX hanggang April 24.