Pinamamadali ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay Bureau of Immigration (BI) officer-in-charge Atty. Joel Anthony Viado ang pagbibigay ng reimbursement na natamo ng libu-libong mga pasaherong na-offload sa kanilang flight dulot ng pre-departure procedures ng Bureau of Immigration (BI).
Giit ni Escudero, ‘Ber’ months na, pero ni isang kusing wala pa ring nabayaran sa kahit isang pasaherong naperwisyo.
Napakabilis aniyang mag-offload ngunit ang bagal mag-download ng reimbursement para sa mga pasahero.
May special provision aniya sa ilalim ng 2024 national budget na nagmamandato na ma-reimburse ang pamasahe ng mga pasahero na naiwan ng kanilang mga flight dahil sa mahabang interrogation ng mga immigration personnel.
Ang mga pondo ay kukunin mula sa hindi nagamit na mga koleksyon ng BI na ibinalik sa Bureau of Treasury.
Noong 2022 lamang, 32,404 na mga pasaherong Pilipino ang hindi pinayagang magpatuloy sa kanilang mga flight.
Sa kabuuan, 472 ang napag-alamang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.
Karamihan sa mga pasahero na hindi nakasakay sa kanilang mga flight ay nauwi sa karagdagang gastos para mag-book muli ng kanilang mga flight, hotel reservation at pagkain.
Gayunpaman, tiniyak naman ni Escudero na patuloy na susuportahan ng Senado ang BI partikular sa pagpapaigting ng border ng bansa at pag-upgrade sa pasilidad para sa pangkalahatang karanasan ng mga biyahero.