-- Advertisements --

Nangako ang bagong talagang kalihim ng Department of Justice (DOJ) Jesus Crispin “Boying” Remulla na pananagutin nito ang mga sindikato sa tatlong ahensiya sa ilalim ng Justice Deaprtment kabilang dito ang Land Registration Authority (LRA), Bureau of Immigration (BI) at ang Bureau of Corrections (BuCor).

Iginiit ng kalihim na kaniyang ipaprayoridad ang pagreporma sa nasabing tatlong ahensiya.

Uunahin aniya dito ang LRA matapos na makatanggap ng impormasyon kaugnay sa aktibidad ng sindikato na nananaig sa sistema ng ahensiya at sa halos lahat ng sangay ng gobyerno.

Mula sa tatlong ahenisya na binanggit ng Justice secretary, tanging ang LRA ang isa sa limang natukoy ng DOJ na graft-prone.

Tinuligsa din ni Remulla ang umano’y extortion, human trafficking at proteksyon sa mga sindikato na nangyayari sa loob ng ahensiya ng Bureau of Immigration.

Maaalala na nasa 43 immigration personnel ang kinasuhan ng Ombudsman nasangkot sa maanomalyang pastillas bribery scam kung saan nabigyan umano ng express entry sa ating bansa ang mga Chinese nationals kapalit ng pera na nakabalot sa papel na parang pastillas.

Nasangkot din ang Immigration bureau sa umano’y bribery-extortion scam sangkot ang gaming tycoon na si Jack Lam.

Bagamat inamin noon ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pakikipagkita nito kay Lam subalit itinanggi ang naturang paratang ng bribery attempt.

Maliban dito, nabanggit din ng bagong Justice secretary ang apat na iba pang ahensiya na kinabibilangan ng Department of Public Works and Highways, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at state health insurer PhilHealth subalit nilinaw na nasa 95% hanggang 99% ng mga kawani sa naturang mga ahensiya ay maaaring nadamay lamang dahil sa maling gawain ng iilang kawani.

Nangako si Remulla na mananaig pa rin ang rule of law at paiiralin ang sistema ng hustisya ng walang kinikilingan sa paghahabol sa mga sindikato sa kagawaran.