CENTRAL MINDANAO-Ginhawang maituturing ng mga empleyado at kliyente ng Technical Education and Skills Development Authority – Cotabato Provincial Office (TESDA-CPO) ang bagong tayong gusali na magsisilbi nitong bagong tanggapan.
Pormal nang itinurnover ang one-storey multi-purpose building ng TESDA-CPO na matatagpuan sa loob ng Provincial Capitol Compound, Amas, Kidapawan City na nagkakahalaga ng mahigit sa P4.8M sa inisyatibo ni 2nd District Representative Rudy S. Caoagdan katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza.
Sa kanyang mensahe, inilahad ni Cong. Caoagdan na ang kanyang tanggapan at ang opisina ni Governor Mendoza ay handang magtulungan makapagbigay lamang ng proyektong kinakailangan ng bawat Cotabateño.
Umaasa din ito na mas marami pang matutulungang mamamayan ng lalawigan ang TESDA lalo na sa pagbibigay ng skills training programs na makakatulong sa mga indibidwal sa paghahanap ng trabaho.
Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si TESDA Provincial Director Norayah J. Acas kay Congressman Caoagdan sa suporta nito at kay Governor Mendoza sa pagpayag nito na gamitin ang lupa sa loob ng kapitolyo na pinagtayuan ng nasabing gusali. Pinasalamatan din nito ang iba pang mga ahensyang tumulong na maisakatuparan ang pagpapatayo ng kanilang opisina na matagal na rin nilang pinapangarap.
Dumalo din sa aktibidad sina TESDA Sarangani Provincial Director El Cid H. Castillo, Department of Labor and Employment (DOLE) Provincial Office Representative Kenneth Paul Pacatang, mga kawani ng Provincial Training Center ng Kidapawan City at Pigcawayan at iba pang kawani ng TESDA-CPO.