CENTRAL MINDANAO- Naghahanda na ang Cotabato Electric Cooperative Inc. (COTELCO) sa posibilidad na mas lalo pang tataas ang demand ng kuryente ngayong patuloy na isinusulong ng gobyerno ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program na naglalayong makapagbigay ng magandang kinabukasan sa higit na nakararami dahil sa pandemya na kinahaharap ng buong bansa.
Ang bagong tayong 20 mega-volt amperes substation ay pinasinayaan sa Purok 2 Kalasuyan, Kidapawan City na dinaluhan ng ilang mga opisyal ng gobyerno mula sa lungsod ng Kidapawan kasama ang mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon sa probinsiya ng Cotabato.
Ang sub-station ay mayroong limang mga power feeders na magsuuply ng kuryente sa ilang bahagi ng Kidapawan City at sa buong service area ng Magpet.
Bawat feeders ay may nakatokang mga lugar na dapat mapagsilbihan, mula sa Barangay Sudapin hanggang Barangay Ilomavis sa Kidapawan City patungo sa bayan ng Magpet.
Nitong mga nakalipas na mahigit sampung taon, ang nabanggit na mga lugar ay konektado lamang sa isang Substation na may kapasidad na 10-MVA na nasa Poblacion ng Kidapawan City at mayroon lamang apat na feeders na natatanging nagsusuply ng kuryente sa Kidapawan City at Magpet. Dahil malayo ang lokasyon ng substation, minsan ay nakakarans ng pagbaba ng boltahe na syang nagiging dahilan ng unscheduled power interruptions.
Ayon ka Engr Godofredo B. Homez, ang manager ng COTELCO, dahil sa itinayong 20-MVA Substation ng Cotelco ay mas makasisiguro na makapagbigay na ng magandang serbisyo sa lahat ng mga member-consumers na naging apektado sa mga nagdaang panahon dahil sa mga power interruptions.
Sa kabuuan, mayroon ng siyam na mga feeders na syang maghahati-hati sa mga areas na kailangang masuplayan ng kuryente. Sakaling magkakaroon ng di inaasahang pangyayari na mawawala ang supply ng kuryente ay hindi na lahat apektado.
Umaasa ang buong pamunuan ng COTELCO, sa pangunguna ni Director Zenaida Embodo at ang lahat ng mga Board of Directors na ang nasabing proyekto ay makakatulong rin sa pagbabalik eskwela ng mga estudyante sa susunod na araw lalong lao na sa mga nag oonline classes at online jobs.