Ipinagpapatuloy ngayong araw ng Senado ang pagdinig sa kontrobersyal na pastillas scheme kung saan naglabas ito ng panibagong testigo.
Ang bagong witness na si Jeff Ignacio, isang immigration officer, ay inaasahang magbibigay ng impormasyon sa pagkakakilalan ng mga lider sa likod ng pastillas scam.
Kinumpirma mismo ni Ignacio na dawit ito sa pastillas scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong fourth quarter ng 2017.
Una na raw niyang tinanggihan na makiisa sa nasabing scam ngunit dahil na rin nakaranas ito ng problema sa pera ay napilitan siyang sumali. Nagsilbi raw siya bilang “foot slider” ng grupo.
Dagdag pa ng testigo, tumangtgap siya ng P5,000 hanggang P20,000 sa loob lamang isa hanggang dalawang linggo.
Ayon kay Ignacio, “open secret” umano sa pastillas group ang malalaking kita na natatanggap ng kanilang mga lider mula sa tiwaling gawain.
“Batay po sa aking personal na kaalaman at ito ay open secret na rin sa lahat ng miyembro ng Pastillas group, ang nagbabasbas, nagcocontrol ng Pastillas Scheme, at kumukubra ng maraming pera ay sina Sirs Marc Red Marinas, TCEU Head ng Terminal 1, 2, at 3 Erwin Ortanez, TCEU Head ng Terminal 1 Glennford Comia, TCEU Head ng Terminal 2 Benlado Guevarra, TCEU Head ng Terminal 3 Denden Binsol, Deputy TCEU head ng Terminal 2 Deon Carlo Albao, Deputy TCEU Head ng Terminal 2 Arlene Mendoza, at Deputy TCEU Head ng Terminal 3 Anthony Lopez,” paglalahad ni Ignacio.
“Ang supplier po ng mga Chinese ay sina Comia, Albao, Magbuhos, Binsol at Robles. Pagkatapos po ng expose ni Allison Chiong ay nakatanggap ako ng subpoena mula sa NBI. Pinatawag kaming nakatanggap ng subpoena ni Atty. Joel Ferrer at ng anak niya na si Jeff Ferrer, na alam ko ay mga lawyer na kinuha ni Sir Red Marinas.” dagdag pa nito.
Sinabihan aniya sila ng mga Ferrer na pabayaan lamang ang subpoena.
Kwento pa nito na noong Agosto 28 nang nagpatawag ng meeting ang mga ito para sa mga nakatanggap ng subpoena mula NBI. Nagkita-kita raw sila sa Mazu Seafood Restaurant at doon niya nakilala si Atty. Capiral ng NBI, kasama ang private attorney na si Atty. Patrick Penachos.
Kakailanganin daw ng mga ito na maghanda ng 100,000 o doble pa kung sakaling may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanila.