Inamin ng Department of Health (DOH) na lumobo pa ang bilang ng kaso ng tigdas sa buong Pilipinas sa nakalipas na linggo.
Ito’y makaarang ihayag ng kagawaran na sa loob ng magkakasunod na anim na linggo ay kumalma ang measles cases sa bansa.
Nakapagtala ng 1,400 na bagong kaso ang DOH Epidemioloy Bureau sa nakalipas na dalawang linggo kung saan karamihan pa rin sa mga ito ay mga bata na may edad na isa hanggang apat na taong gulang.
Dahil dito umakyat pa sa higit 28,000 ang kaso ng tigdas, habang halos 400 na ang nasawi mula January 1.
Ito ay labis na mataas mula sa higit 6,000 kaso at higit 50 nasawi sa parehong period noong 2018.
Pinakamarami pa rin ang naitalang kaso sa Metro Manila at Calabarzon na may higit tig-5,000.
Nauna ng lumakad ang hanay ng DOH at Philippine Red Cross sa mga barangay at liblib na komunidad para mabigyan ng bakuna ang mga bata at mga hindi pa nababakunahan.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo nagbabala si Health Asec. Eric Tayag dahil posibleng magdulot pa ng mas malalang sakit ang tigdas gaya ng bronchopneumonia at pagkamatay kapag hindi ito naagapan.