Agad ipinag-utos ng bagong-upong provincial director ng Pampanga Police Provincial Office ang crackdown laban sa mga Philippine offshore gaming operators (POGO) na maaaring pa-sikretong may operasyon sa naturang probisnya.
Kalakip nito ay iniutos ni Provincial Director PCol Jay Dimaandal sa lahat ng hepe ng 21 munisipalidad at syudad sa buong Pampanga na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng compound o mga building sa kani-kanilang areas of responsibility(AOR).
Maaari aniyang may mga building o compound na nagsisilbing taguan o ginagamit sa mga iligal na operasyon ng POGO.
Ayon kay Dimaandal, ang inspection ay isasagawa sa koordinasyon sa mga local government units (LGUs).
Maaari aniyang gamitin dito ang bisa ng ‘police visitation’ ng pulisya at ang karapatan ng LGU na mag-inspect sa lahat ng mga commercial establishment sa kani-kanilang lugar.
Unang umupo bilang Provincial Director si Dimaandal noong nakalipas na linggo, kasunod ng pag-appoint sa kanya ni Police Regional Office 3 (PRO3) RD BGen Jose Hidalgo Jr. Pinalitan niya si PCol Hope Basilio.
Batay sa statement na inilabas ng PR03, ang pagpapapalit sa liderato ng Pampanga PPO ay bilang administrative measure upang bigyang-daan ang paggulong ng imbestigasyon ukol sa sinalakay na Lucky South 99 na umanoy nago-operate nang walang akmang lisensya mula sa pamahalaan.
Nagsimula pa umano ang operasyon ng naturang POGO hub noong nakalipas na taon.