-- Advertisements --

Nakadiskubre ng mga scientist sa South Africa ang panibagong COVID-19 variant.

Tinawag nila itong B.1.1.529 na mayroong hindi normal na pagdami at nagiging mas nakakahawa pa umano kumpara sa Delta variant.

Unang nadiskubre ito sa probinsiya ng Gauteng at naniniwala ang mga eksperto na ito ay mayroon na rin sa walong iba pang mga probinsiya.

Aabot sa 100 specimens ang natukoy ng South Africa na B.1.1.529 na posibleng umabot na rin sa Botswana at Hong Kong.

Ayon sa South Africa National Institute for Communicable Diseases na kanilang pinag-aaralang mabuti ang nasabing bagong variant at kanilang ipinaalam na ito sa working group ng World Health Organization (WHO).

Pinangangambahan na ang nasabing variant ang dahilan ng panibagong surge ng COVID cases sa South Africa.

Samantala, maaga na ring kumilos ang Britanya at magpapatupad na rin ng travel ban sa anim na mga southern African countries.

Aminado ang mga British scientists na labis silang nag-aalala sa naturang bagong variant na posibleng nagpapahina pa sa kasalukuyang mga vaccines.

Dahil dito, sinuspendi na ng Britanya ang lahat ng flights mula South Africa, Namibia, Lesotho, Eswatini, Zimbabwe at Botswana.