Ibinunyag ni World Health Organization (WHO) Europe director Dr. Hans Kluge na huli na para mapigilan ng Europe ang bagong COVID-19 wave sa bansa.
Aniya, ang mga bakuna lamang ay hindi magiging sapat upang maprotektahan ang kontinente mula sa isang bagong wave ng mga kaso ng coronavirus ngayong taglamig.
Sinabi nito na ang virus ang dapat sisihin ngunit ang tao pa rin ang gagawa ng solusyon.
Mayroong limang stabilizer umano para panatilihing mababa ang dami ng namamatay sa COVID-19 sa Europe at central Asia, at kailangang gawin ng lahat ng ito gaya ng pagsusuot ng facemask; magpabakuna; booster shots; magpahangin sa loob ng bahay; at gumamit ng bagong clinical protocols.
Inihayag din ni Kluge na tanging mandatory vaccination lamang ang makakapigil sa bilang ng mortality.
Magugunitang ibinahagi ng genomic scientists sa isang news briefing na may hindi pangkaraniwang mataas na mutations ang bagong variant ng COVID-19 na na-detect sa South Africa na tinawag na B.1.1.529
Mas maraming mutations ang naturang variant kaysa sa inaasahan at mabilis itong naihahawa kung saan inaasahang magkakaroon ng epekto sa health system sa mga susunod pang araw at linggo.
Nagpahayag ng pagkabahala ang health experts na maaring magresulta ang mutation sa immune evasion at pag-enhance ng transmissibility ng virus subalit maaga pa para matukoy ang klase ng impact ng mutations sa efficacy ng COVID-19 vaccines.
Kaugnay ng pagkaka-detect ng presensiya ng bagong variant ng COVID-19, nagpatupad na rin ng travel ban ang United Kingdom sa anim na African countries na inilagay sa red list kabilang ang South Africa, Namibia, Lesotho, Botswana, Eswatini at Zimbabwe simula ngayong araw.
Maging ang Israel ay ipinagbawal na rin ang pagpasok ng mga foreigners na magmumula sa southern Africa.