-- Advertisements --

Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mula sa apat na oras na curfew sa National Capital Region (NCR), ay asahang magiging anim na oras na ito.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos Jr., sa mga susunod na araw ay ilalabas nila ang bagong resolusyon kung saan nakasaad ang pinalawig na curfew hours sa NCR.

Nangangahulugan ito na mula sa dating alas-12:00 ng hatinggabi mula alas-4:00 ng madaling araw, papaagahin ito simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Alinsunod aniya ito sa napagkasunduan sa isinagawang pulong kahapon matapos ang biglang pagbabago rin sa quarantine classification dahil sa banta ng Delta variant ng Coronavirus Disease (COVID).

“Hanggang mapirmahan na lahat ia-announce ko na lang later on about it sa Metro Manila,” ani Abalos.

Nitong Huwebes nang kumpirmahin ng Department of Health ang pagkakaroon na ng local transmission ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID na unang natukoy sa India.

Sa kasunod na araw naman nang bawiin muna ng Inter Agency Task Force ang resolusyon na nagbibigay permiso sa mga batang edad limang taon pataas na lumabas.