BAGUIO CITY – Kabilang ang tatlong lugar sa Cordillera Administrative Region sa mga lugar na itinuturing ng OCTA Research bilang high-risk areas sa COVID-19.
Ayon sa OCTA Research, kabilang ang Baguio City; Itogon at Tuba, Benguet sa siyam na lugar sa bansa na itinuturing bilang high risk areas.
Ipinaliwanag ng research team na ito ay dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 na naitala sa mga nasabing lugar sa mga nakaraang araw.
Dahil dito, pinangangambahan ng research team na mapupuno ang mga ospital at mahihirapan ang mga medical frontliners sa mga naturang lugar dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Ipinayo ng research team ang pagpapabuti ng mga lokal na pamahalaan sa mga hakbang laban sa COVID-19 para hindi na lalo pang kakalat ang virus.
Maliban sa Baguio City, Tuba at Itogon, Benguet, itinuturing din bilang high-risk areas ang Makati City; Malabon City; Lucena, Quezon; Iloilo City; Catarman, Northern Samar at Pagadian, Zamboanga del Sur.