Suportado ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong at pangungunahan nito ang gagawing Constitutional Convention forum sa Cordillera Autonomous Region sa kanyang siyudad bilang suporta sa Pilipino Tayo movement.
Ito ang naging pangako ni Magalong nang makipagpulong ito kay Pilipino Tayo Lead Convenor at dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica, at dating mga Undersecretary ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na sina Atty. Eduardo Bringas at Retired Brigadier General Carlos Quita, noong sinimulan nila ang kanilang kampanya sa buong bansa para sa Constitutional Change noong Hulyo 1.
Layon ng kilusan na isulong ang isang Constitutional Convention upang palakasin ang awtonomiya ng lokal na pamahalaan at palakasin ang paglago ng ekonomiya.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahandaan ng kanyang lungsod na manguna sa mga talakayan na naglalayong baguhin ang pamahalaan, mga patakarang pang-ekonomiya at palakasin ang mga istruktura ng lokal na pamamahala.
Iginiit rin ni Magalong ang pangangailangang bigyang kapangyarihan ang mga lokal na sektor gamit ang mga reporma sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang mga boses sa diskursong Konstitusyonal.
Ayon naman kay Chairman Greco Belgica, lead convenor ng Pilipino Tayo movement, ang suporta ng alkalde ay malaking tulong sa kanilang grupo.
Aniya , ang reputasyon ni Mayor Magalong na malakas, tapat, at may prinsipyong lider laban sa krimen at katiwalian ay nagdaragdag ng lakas at karakter sa grupo.
Binigyang-diin din ni Belgica na isinasantabi ang politika at personal na interes sa loob ng grupo bilang pagkakaisa sa ilalim ng karaniwang panawagan para sa isang inklusibong Constitutional Convention.
Ang Pilipino Tayo ay isang kilusan na pinatawag ni dating PACC Chairman Belgica, Gen. Quita (Ret.), Atty. Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerero (Ret.), Bishop Butch Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Dr. Froilan Calilung at dating Congressman at Secretary Mike Defensor.