BAGUIO CITY – Sa kabila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at hindi magandang lagay ng panahon, “all systems go” na ang “Dugong Bombo 2020” na isasagawa ngayong araw sa City of Pines.
Magsisimula ang nasabing blood letting project ng Bombo Radyo at Philippine Red Cross (PRC)-Baguio City chapter sa Malcolm Square, Baguio City mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa COVID-19, suportado ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagsasagawa ng “Dugong Bombo 2020” dahil sa pangangailangan ngayon ng suplay ng dugo para sa mga pasyente.
Sa katunayan, nangako pa ang Contact Tracing Czar na muli itong magdo-donate ng dugo bukas.
Matatandaang mula pa noong nagsilbi bilang regional director ng Police Regional Office Cordillera (PRO-COR) si Mayor Magalong ay isa ito sa mga “first bleeders” ng taonang Dugong Bombo na isa sa mga pangunahing Corporate Social Responsibility (CSR) ng Bombo Radyo Philippines.
Inaanyayahan naman ni Jennelyn Terre ng Philippine Red Cross-Baguio City Chapter ang publiko na magdonate ng dugo sa Dugong Bombo 2020 bukas para matulongan ang mga nangangilangang pasyente.