Idineklara nang World No. 1 si Baguio City Muay Thai fighter Islay Erika Bomogao sa International Federation of Muay Thai Associations ranking para sa 45kg female category.
Batay sa ranking ng IFMA para sa women 45-kg division, hawak ni Bomogao ang 1,920 points habang ang sumusunod sa kanya ang Muay Thai fighter mula Vietnam na si Huyn Ha Huu Heiu, hawak ang 1,560 points.
Noong Agusto-10, kinilala si Bomogao bilang kauna-unahang Pinay Muay Thai world champion matapos niyang talunin ang Muay Thai State champion ng Australia na si Sarah Kwa.
Si Bomogao ay ipinanganak sa Baguio City at nagsimulang magsanay ng Muay Thai noong siya ay 15 anyos sa ilalim ng Team Lakay.
Noong 2018, nakakuha siya ng gintong medalya sa Int’l Federation of Muaythai Amateur (IFMA) Youth World Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Dati rin siyang nakakuha ng gold medal sa 31st Southeast Asian(SEA) Games na ginanap sa Vietnam.