BAGUIO CITY – Muling binuksan ang Baguio City sa mga turista, partikular sa mga fully-vaccinated na mga turista.
Gayunman, hindi kasali sa mga papagayan ang mga manggagaling sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), Modified ECQ, Level 4 at Level 5.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng lungsod, bahagi ito ng hakbang ng lokal na pamahalaan para mabuhay muli ang ekonomiya ng Baguio na isa ang tourism industry sa pinagkukunan nito ng malaking revenue.
Aniya, 2,000 lamang na individual registrations ang papagayan sa ngayon at magbabase ito sa Electronic Travel Authorization (ETA) reservation system.
Maaalalang isinara muli ang City of Pines sa mga turista o non-essential travel noong buwan ng Agosto dahil sa presensya ng Delta variant at pagtaas ng mga kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa bagong alituntunin na inilabas ng Baguio local government units (LGU), dapat na dalawang linggo ang lumipas mula sa vaccination date ng turista bago ito makuwalipika na bumisita dito sa lungsod.
Kinakailangan lamang ng turista na gumawa ng account sa visita.baguio.gov.ph, samahan ito ng valid ID at ilagay sa account ang schedule ng pagbisita isang araw bago ang pagbiyahe.
Sa mga fully vaccinated na mga turista na nasa ligal na edad, kailangang i-upload at dalhin ang vaccination card o vaccination certificate.
Gayunman, sa mga hindi bakunado o partially vaccinated na 12 hanggang 17 years old, kailangang magpakita sila ng negative result ng antigen o RT-PCR test na isinagawa sa loob ng 72 na oras bago ang kanilang pagdating sa lungsod o kaya ay sa health screening sa City Triage.
Magdedepende naman sa desisyon ng magulang o adult guardian kung sasailalim sa testing ang mga edad labing isa pababa.
Gaya ng dati, mula sa border checkpoint, dadalhin ang mga turista sa City Triage para sa health screening at verification ng QTP at mga dokumento.
Ipinapaalala sa mga turista ang mahigpit at palaging pagsunod ng mga ito sa minimum health and safety protocols at sa mga batas at ordinansa ng lungsod,
Ipinapayo sa mga ito mag-check-in lamang sa mga accommodation establishments na nakatala sa Baguio Visita at pumasok sa mga business establishments na may Safety Seal mula sa city government.
Sa ngayon, pinaghahandaan na ng Baguio LGU ang posibilidad na pagdagsa ng maraming mga turista tuwing araw ng Sabado at Linggo lalo na at papalapit ang Pasko.