BAGUIO CITY – Nananatiling nakabukas ang Baguio City sa mga turista mula sa Region 1 sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, hindi makaaapekto ang pagtaas ng COVID-19 sa industriya ng turismo ng Baguio City.
Aniya, hindi maisasailalim sa lockdown ang siyudad sa mga turista na magmumula sa Region 1 o Ilocos Region.
Sinabi niya na kailangang magbukas ang siyudad upang unti-unting magrecover ang ekonomiya at kasabay nito ay kailangang i-manage ang sitwasyon.
Ipinasigurado ng opisyal na kayang kaya ng lokal na pamahalaan ng siyudad na kontrolin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung kaya’t tuloy tuloy ang pagbubukas ng ekonomiya.
Samantala, ibinahagi ni Magalong niya na naitala ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa dalawang barangay sa siyudad ngunit nacontain na ito sa pamamagitan ng mahigpit na contact tracing.
Sa ngayon ay mas mahigpit ang isinasagawa ng siyudad na contact tracing at expanded testing kontra sa COVID-19.