BAGUIO CITY – Tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng turismo sa lungsod ng Baguio mula Region 1 o Ilocos Region sa September 22.
Sa naganap na presscon sa katatapos na pag-inspeksion nina Presidential Spokesperson Harry Roque, National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga establishimiento sa Central Business District at mga triage areas ng Baguio City, ipinagmalaki ng alkalde ng lungsod na 100 percent na magbubukas ang turismo ng lungsod sa susunod na linggo sa kabila ng pangamba ng iba’t ibang opisyal ng karatig lugar katulad ng lalawigan ng Benguet.
Ipinaliwanag din ng alkalde na malilimitahan sa 200 ang bilang ng mga turistang tatanggapin ng lungsod kada araw kung saan kinakailangan pa rin nilang dumaan sa matinding proseso bago makapasok sa lungsod.
Sinabi niya kailangan pa ring dumaan sa swabbing ang mga turista sa central triage ng lungsod na matagpuan sa Baguio Convention Center.
Kinakailangan din aniya na magrehistro ang mga ito sa Baguio Visita na online application para makapasok ang mga bisita sa City of Pines.
Magugunitang sa pagharap ni Roque sa media ay ipinagmalaki nito ang pagiging pioneer ng Baguio sa pagbubukas ng turismo sa buong bansa sa ilalim ng new normal.
Napatunayan aniya ng Baguio na hindi dapat isakripisyo ang ekonomiya para lamang sa kalusugan ng mga mamamayan dahil pwedeng magpatuloy ang paghahanap-buhay basta’t may pag-iingat.
Sa pamamagitan ito aniya ng mahigpit na pagpapatupad ng mga minimim health standards, cashless transaction at napaka-epektibong centralized triage procedures bago makapasok sa lungsod.
Sinabi ni Roque na dapat itong gayahin ng iba pang mga LGUs sa bansa para mas maraming magbubukas ng turismo.
Samantala, sinabi naman ni Dizon na nakikita na niya ang new normal dito sa Baguio kung saan bumalik na ang normal na kalakaran ng pamumuhay ng mga tao ngunit may pag-iingat.