BAGUIO CITY – Nakahanda si Judge Roberto Mabalot sa pag-imbestiga sa kanya ng Korte Suprema at ang pagsampa ng kaso ng pulisya laban sa kanya.
Si Mabalot ang hukom na naakusahang nakialam sa kaso ng isang taxi driver na kumaladkad sa isang pulis na traffic enforcer sa Baguio City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mabalot, sinabing niyang makabubuti ang imbestigasyon para malaman ang katotohanan.
Inamin ni Mabalot na nakatanggap siya ng tawag mula kay Deputy Court Administrator Raul Villanueva hinggil sa nasabing isyu.
Iginiit pa ng hukom na hindi totoo ang alegasyon na nagmistula itong abogado ng naarestong taxi driver.
Una nang ipinag-utos ng Kataas-kataasang Hukoman ang pag-imbestiga kay Mabalot dahil sa nasabing isyu.
Maaalalang lumabag sa batas trapiko ang taxi driver na si Jone Buclay kayat sinita ito ni Pat. Julius Walang ngunit nagmura ang driver at iiwanan na sana niya ang pulis kayat sumampa si Walang sa hood ng taxi ngunit ipinagpatuloy pa rin ni Buclay ang pagmamaneho kahit nasa hood pa rin ng taxi ang matapang na pulis.
Hangang-hanga naman ni Interior Sec. Eduardo Año ang kapatangan na ipinakita ni Walang.