BAGUIO CITY – Higit 900 na criminal cases ang tinanggap ng City Prosecutor’s Office sa lungsod ng Baguio sa unang apat na buwan ng kasalukuyang taon.
Ayon kay City Prosecutor Elmer Manuel Sagsago, 745 na kaso ang isinampa sa kanilang opisina sa pamamagitan ng regular filing habang 155 na kaso ang inihaion sa pamamagitan ng inquest proceedings mula noong Enero hanggang Abril.
Aniya, karamihan sa mga nasabing kaso ay estafa, paglabag sa women at children protection laws, paggagahasa, murder, pagnanakaw, paglabag sa drugs law, iligal na pagsugal, iligal na pagdadala ng mga armas at iba pa.
Dinagdag niya na kasalukuyang dinidinig ang mga nasabing kaso sa mga korte sa lungsod habang ang iba ay nakabinbin para sa resolution ng assigned prosecutors at ang ibang kaso naman ay nadesisyonanna.
Ipinaliwanag ni Sagsago na trabaho ng mga city prosecutors na siguraduhin na ang mga totoong nakagawa ng krimen ay mapaparusahan habang ang mga napagbintangan ay mapapawalang sala.
Ayon pa sa kanya, aabot sa 24 ang prosecutors ng lungsod at sila ang magpapasigurado na lahat ng mga kaso na isinampa sa kanilang opisina ay maaksiyunan sa loob ng nakatakdang reglamentary period.