Tulad ng nagdaang Pasko, kanya-kanyang bahagi muli ang ilang local celebrity ng kanilang mga ganap sa nalalapit na Bagong Taon.
Isa rito si April Rose o mas kilala bilang si Charlie Dizon, na sa pambihirang pagkakataon ay nag-post ng kanyang bikini photo habang nasa El Nido, Palawan.
Ngunit kina Yen Santos at Paolo Contis ay ang mga netizen ang nagsapubliko ng kanilang larawan na umano’y sa Boracay sasalubungin ang 2022.
Sa mga kumalat na picture, nasa aiport ang dalawa na bagama’t kapwa nakasuot ng facemask ay halata pa rin daw na sina Yen at Paolo ito.
Kung maaalala, naging kontrobersyal ang 29-year-old sexy actress at ang 37-year-old actor sa kanilang Baguio getaway “as a friend.”
Gayunman, nagkasama raw pala muna sila sa Manaoag Church sa Pangasinan na nasundan umano sa mall sa Makati kung saan sinasabing magkaakbay pa ang mga ito.
Una nang inihayag ni Paolo na wapakels o wala na siyang pakialam sa mga “malilinis” na manghuhusga kasunod ng tila pagkumpirma sa dinner date nila noong mag-birthday si Yen.
Si Liliyen o mas kilala bilang si Yen ang itinuturong dahilan umano ng paghihiwalay ni Contis sa aktres na si LJ Reyes sa kabila ng pagkakaroon na ng anak.
Sa panig ni LJ, sa Diyos lang daw siya in love sa ngayon at abala sa kanyang online business niya habang tumutulong din sa coffee shop ng kanyang ina sa New York.