-- Advertisements --

Hindi pa rin umano tuluyang natutuldukan ang hidwaan sa pagitan ng mga miyembro ng Philippine Olympic Committee.

Ito ay kahit na mayroon nang bagong liderato ang POC sa pamumuno ni Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino matapos ang nangyaring halalan noong nakalipas na linggo.

Sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella sa panayam ng Bombo Radyo, nahahati umano sa dalawa ang paksyon ngayon sa Olympic body, na kinabibilangan ng grupo ni Tolentino, at ng kina dating POC president Peping Cojuangco.

Paniwala ni Puentevella, hindi magkaintindihan ang dalawang grupo dahil sa sari-sariling interes na nais nilang isulong.

Nitong nakaraang Huwebes nang hindi matuloy ang dapat sana’y unang “special” meeting ng 13-man executive board sa ilalim ng pamumuno ni Tolentino dahil sa walang quorum.

Kaya naman, iginiit ng opisyal na kailangang magkausap ang dalawang grupo upang maplantsa na ang mga hindi pagkakaintindihan bago pa man ang hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.

Mungkahi rin ni Puentevella kay Tolentino, dapat daw nitong kausapin nang isa-isa ang mga kumokontra sa kanya nang sa gayon ay mabatid nito ang problema.

Nangangamba naman si Puentevella na baka suspindihin ng International Olympic Committee ang POC sakaling hindi pa rin matigil ang isyu.

“Anong mangyayari kung hindi magkakaintindihan? Isususpinde ng International Olympic Committee ang Philippine Olympic Committee. Ibig sabihin, mawawala ang SEA Games,” wika ni Puentevella.

“Kaya dapat ang Malacañang pumasok din dito, si Sec. [Salvador] Medialdea pumasok ng isang beses. [Sana sa] pangalawa ipatawag niya lahat, na baka kapag hindi kayo nagkaayusan, baka ikansela na ang SEA Games.

“Ang pinakamasama na puwedeng mangyari sakaling isuspinde tayo ng [IOC], at kung mangyari man ‘yan nakakahiya tayo. Pupunta tayo sa Tokyo Olympics wala tayong bandila.”