Napanatili ng bagyong si Hanna ang kanyang lakas habang patuloy itong kumikilos ng mabagal pa kanluran sa karagatang sakop ng ating bansa.
Dahil nga sa bahagyang pagbagal ng naturang sama ng panahon ay inaasahan itong lalabas sa Philippine Area of Responsibility pagsapit ng Linggo ng hapon.
Wala pa rin itong derektang epekto sa alinmang bahagi ng kalupaan ng bansa at nanatiling maliit ang tsansa na maglandfall ito.
Batay sa kasalukuyang tracking ni Hanna ay posibleng tumbukin nito ang Taiwan.
Samantala, ang mga pag-ulan na naranasan ngayong araw sa Batanes, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ay dulot parin ng umiiral na Southwest Moonsoon o hanging habagat na lalo pang pinalalakas ng bagyong Saola o Goring at bahagya namang pinapaigting ng bagyong Hanna.
Bukod sa dalawang sama ng panahon ay may binabantayan rin tayong Severe Tropical Storm na may international name na KIROGI sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Batay sa kasalukuyang data ng Bombo Weather Center, huling namataan ang sentro ng bagyong si Hanna sa layong 710 km East Northeast ng Itbayat, Batanes
Taglay ni Hanna ang lakas ng hangin na umaabot pa rin sa 120km/h malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot pa rin sa 150km/h.
Kumikilos ang naturang sama ng panahon pa kanluran sa bilis na 15km/h.
Bukas ay makararanas ng moonsoon rains ang Ilocos Region, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro habang occational rain naman ang mararanasan dito sa Metro Manila, CALABARZON, Abra, Apayao, Benguet, Tarlac, Pampanga, at Bulacan dahil sa umiiral na habagat.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog naman ang iiral bukas sa Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, MIMAROPA, Antique at nalalabing bahagi ng bansa dahil sa habagat at localized thunderstorm.
Dahil sa kasalukuyang lagay ng panahon ay posible parin ang mga pagbaha at paguho ng lupa sa mga low lying at landslide prone areas kayat pinapayuhan natin ang lahat na mag-ingat at maging alerto sa lahat ng oras.