BAGUIO CITY – Wala umanong dapat ipangamba sa kalagayan ng mga Pilipino sa Macau sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Higos sa nasabing special administrative region ng China kahapon.
Sa report ng Meteorological and Geophysical Bureau, tumaas sa storm warning signal 10 ang bagyo na siyang pinakamataas na typhoon signal na naramdaman sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Bombo International Correspondent Myla Abella, sinabi niya na hindi naman nila naramdaman ang epekto ng bagyo dahil napaghandaan ito ng gobyerno ng Macau.
katunayan ay hindi raw naghatid ng malakas na pag-ulan ang bagyo maliban lang sa malakas na hangin na nagresulta ng pagkatumba ng mga puno sa mga kalye at paggalaw ng ilang gusali.
Nagdulot din aniya ng pagbaha ang bagyo ngunit agad din bumaba ang lebel ng tubig.
Kuwento nito, nakahanda naman ang mga evacuation centers na puwedeng puntahan ng mga residente doon kung kinakailangan nilang lumikas.