-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patuloy ang paglikas ng maraming residente sa lalawigan simula pa kaninang madaling araw kasunod ng pagtaas ng lebel ng tubig dahil kay Bagyong Ineng.

Ayon kay Dr. Melvin Manuel, head ng City Disaster Risk Reduction Management Office-Laoag, stranded na rin ang mga ilang responders sa Barangay Navotas dahil mahirap madaanan ang mga kalsadang binaha.

Sinabi nito na kahit ang mga equipment na ginagamit nila ay hindi na makadaan bunsod ng taas ng lebel ng tubig.

Hindi pa makumpirma ni Manuel kung ilan na ang mga pamilyang nasa evacuation center sa Lungsod ng Laoag ngunit madadagdagan pa dahil ang mga pasaway na ayaw magsilikas kahapon ay nagpapasaklolo na rin.

Dagdag nito, hindi rin sila makapasok sa Barangay 23 kung saan nangyari ang landslide dahil pa rin sa lakas ng hangin, ulan at hinihintay pa ang gagamiting malaking equipment.

Sa bayan naman ng Pasuquin, may 60 pamilya na ang apektado at pinasok na ng tubig baha ang kanilang bahay habang sa bayan ng Bacarra, Piddig at Pasuquin, ay may ilang residente na rin apektado.

Simula pa kahapon ay walang tigil ang malakas na buhos ng ulan sa lalawigan na sinasabayan ng hangin dulot pa rin ni “Ineng.”