LAOAG CITY – Pumalo na sa higit P350 million ang danyos na iniwan ng pagbaha bunsod ng pananalasa ng Bagyong Ineng sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Gov. Matthew Marcos Manotoc, sa naturang halaga P320 million dito ay sa mga nasirang imprastraktura, habang sa agrikultura naman ay P40 million.
Magbibigay naman sila ng P10,000 sa bawat namatayang pamilya na manggagaling sa mula sa Office of Civil Defense, at karagdagang P3,000 mula sa lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng opisyal sa mga nagbigay ng tulong sa kanila gaya ng Ilocos Sur, La Union.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni Marcel Tabije, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), na mayroon pang tatlong provincial road na kasalukuyang hindi pa rin madaanan.
Kabilang sa mga ito ay ang Batac-Rayuray Road, Vintar-Tamdagan Provincial Road at Vintar-Palyas Provincial Road.
Base sa report ng PDRRMMO, aabot sa 109 na barangay, 4,595 na pamilya o 18,845 na indibidwal ang naapektuan ng bagyo sa buong lalawigan.
Nabatid na aabot naman sa 54 na bahay ang nasira kung saan 20 dito ang totally damaged habang 34 ang partially damaged.