Inaasahang magbubuhos ang Super Typhoon Leon ng mahigit 200 millimeters o 1 buwang katumbas na pag-ulan sa Batanes at Cagayan kabilang ang Babuyan islands ngayong Miyerkules, Oktubre 30, ayon sa state weather bureau.
Sa heavy rainfall outlook ng ahensiya, posibleng maranasan ito ngayong araw sa nasabing mga lugar dahil sa malakas hanggang sa tuluy-tuloy na buhos ng ulan.
Posible ring maitala ang 100 hanggang 200 millimeters na dami ng pag-ulan sa iba pang lugar tulad ng Ilocos Norte, Apayao, Isabela at Occidental Mindoro kung saan inaasahan ang heavy to intense na buhos ng ulan.
Samantala, ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan naman dahil sa bagyo ay maaaring magresulta ng 50 hanggang 100 millimeters na pag-ulan sa Ilocos Sur, Abra, Kalinga, Benguet, La Union, Pangasinan, Calamian Islands, Occidental Mindoro at Antique.
Sa mga lugar naman sa Metro Manila, Visayas at nalalabing parte ng Luzon ay maaaring makaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa trough o buntot ng bagyo.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang mga residente lalo na ang mga nasa mabababang lugar at prone sa landslide at baha na magsagawa ng preemptive evacuation para maiwasan ang anumang untoward incident .
Samantala, inaasahan na lalapit ang direksiyon ng bagyong Leon sa Batanes umaga hanggang tanghali bukas, araw ng Huwebes at hindi isinasantabi ang pag-landfall nito sa Batanes.