-- Advertisements --

Naglabas na ang Department of Agriculture (DA) ng initial damage assessment sa pinsalang iniwan ng bagyong ‘Marce’ sa sektor ng pagsasaka.

Batay sa report ng DA, umaabot sa P277.75 million ang inisyal na halaga ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo, at naka-apekto ito sa halos sampung libong mga magsasaka.

Umabot naman sa 15,670 ektarya ng mga sakahan ang naapektuhan na nagdulot sa pagkasira ng kabuuang 796 metriko tonelada ng mga agri products.

Ang rice industry ang nagtamo pa rin ng pinakamalaking pinsala, tulad ng nangyari sa mga nakalipas na bagyo.

Ayon sa DA, nagiging pahirapan pa rin ang pagtungo sa mga lugar na dinaanan ng bagyo dahil sa masungit na panahong dala ng bagyong ‘Nika’.

Sa kasalukuyan, mayroong P866.34 million na halaga ng agricultural inputs na nakahandang ipamahagi sa mga magsasakang apektado sa pananalasa ng magkakasunod na bagyo.

Kinabibilangan ito ng mga binhi ng palay, mais, at high value crops, abono, at libreng poultry products. Ang mga ito ay kasalukuyang naka-imbak sa mga regional field office ng DA.