BUTUAN CITY – Nag-iwan ng malaking danyos ang pagdaan ng bagyong Maring sa lungsod ng Butuan lalo na sa Brgy. Masao matapos na totally damaged pati na ang 36 na mga beach cottages at isang bahay ang na-washout dala ng naglalakihang alon nitong nakalipas na gabi.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Brgy. Kagawad Felix Lariba na kasama sa 36 na mga beach cottages ang anim na pag-aari ng barangay matapos na umabot pa sa daan ang mga buhangin dahil sa pagtaas ng tubig-dagat.
Nakaapekto din ito sa mga fish cages na naging sanhi ng pagkamatay naman ng mga isdang bangus.
Dagdag pa ni Lariba, malaking danyos din ang naitala sa 10 mga bunsod na ginagastusan ng P200,000 bawat-isa.
Patuloy pa ang ginawang assessment upang malaman ang kabuuang danyos na hatid ng masamang panahon.
Inihayag pa nito na ang kanilang kalapit na Brgy. Lumbocan ay may mas marami ring nasirang kabahayan.