-- Advertisements --
RAYMOND ORDINARIO

Posibleng lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ofel.

Ayon kay Pagasa weather specialist Raymond Ordinario, ang sentro ng naturang bagyo ay namataan sa layong 340 km kanluran hilagang-kanluran ng Tanauan sa Batangas o 250 km west ng Subic sa Zambales.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na 45 kph at pagbugsong 55 kph.

Tinatahak nito ang direksiyong west north-west sa bilis na 25 kph.

Malaki naman ang posibilidad na maging low pressure area (LPA) na lamang ito kapag nakalabas na sa teritoryo ng bansa.

Ang northeasterly surface windflow na pinag-ibayo ng tropical depression ang makakaapekto pa rin sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR) at Aurora Province habang localized thunderstorms naman ang makakaapekto sa Ilocos Region.

Maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sanhi ng northeasterly surface windflow ang mararanasan sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Abra, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mt. Province, Benguet at Aurora.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulo-pulong mga pag-ulan ang inaasahan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan dulot ng lokal na mga pagkidlat-pagkulog.

Katamtaman hanggang sa malakas hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral sa hilagang Luzon at sa lalawigan ng Aurora.

Ang mga baybaying-dagat ay magiging katamtaman hanggang sa napakaalon.