BAGUIO CITY – Plano ng lokal na pamahalaan ng Itogon, Benguet na magsagawa ng ritwal sa pag-alala sa pananalasa ng Bagyong Ompong sa Setyembre 15.
Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, sinabi niya na inaayos na ang mga plano para sa ritwal.
Sinabi niya na sa pamamagitan ng ritwal ay maaalala ang mga nasawing katao dahil sa Bagyong Ompong at para mapaalalahanan ang mga residente na patuloy na mag-ingat lalo na kapag may kalamidad.
Kaugnay nito ay sinabi ng alkalde na nagpapatuloy ang pagtulong ng pamahalaan sa mga naapektuhan sa Bagyong Ompong.
Sinabi niya na may P14 million na pondong inilaan para sa relocation site ng mga nawalan ng tirahan.
Gayunpaman, sinabi niya na hanggang sa ngayon ay wala pang inirekomenda ang Mines and Geo Sciences Bureau (MGB) na ligtas na lugar na pagtatayuan ng mga tirahan ng mga naapektuhan sa bagyo.
Maaalalang sa lalawigan ng Benguet ay mahigit sa isang daang katao ang nasawi sa papanalasa ng Bagyong Ompong noong Setyembre 2018.