Humina pa ang Severe Tropical Storm Paeng habang kumikilos ito palabas ng Luzon.
Batay sa pinakabagong abisong inilabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo sa vicinity ng Candelaria, Zambales.
Mayroon itong maximum sustained winds na 85 km/h na malapit sa sentro ng bagyo, at may pabugsong aabot sa 140 km/h, at central pressure na 990 hPa.
Habang kumikilos ito patungong Hilagang Hilagang Kanluran sa bilis na 25 km/h.
Samantala, sinabi naman ng weather bureau na patuloy pang magdadala ng mga pag-ulan ang bagyong Paeng sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, at hilagang bahagi ng Quezon hanggang sa Linggo, Oktubre 30, 2022.
Una rito ay iniulat na rin ng PAGASA na inaasahang makakalabas na sa kapuluan ng Luzon sa loob ng anim hanggang 12 oras, na kalauna’y makakalabas na rin anila sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Lunes, Oktubre 31, 2022.
Kabilang sa mga dinaanan at sinalanta ng bagyong Paeng sa lalawigan ng Luzon ay ang Laguna de bay, Metro Manila-Rizal-Bulacan.