-- Advertisements --

Nag-iwan ng mga pinsala ang bagyong Pepito sa kakalsadahan at pananim sa probinsiya ng Quirino na dinaanan ng bagyo matapos mag-landfall sa ikalawang pagkakataon sa karatig probinsiya nitong Aurora.

Ayon kay Quirino Disaster Office head Jesus Leal, nagsasagawa na sila ng clearing operations sa mga kalsadang hindi madaanan dahil sa mga nakahambalang na nabuwal na puno.

Aniya, hindi sila makapasok mula sa national highway hanggang sa provincial road partikular na sa interior kayat inuuna nilang linisin ang mga ito.

Nagpasalamat naman ang opisyal sa nakapaligid na Sierra Madre na promoprotekta din aniya sa probinsiya ng Quirino mula sa epekto ng bagyo.

Iniulat naman ng opisyal na nasa mahigit 1,600 pamilya o mahigit 3,000 indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa buong probinsiya.

Nakapagtala din ng 13 mga kalsada na binaha habang ilang mga tulay ang napinsala na hindi pa naaayos mula ng tumama ang bagyong Nika dahil sa magkakasunod ng pagtama ng bagyo.

Nagtamo din ng pinsala ang sektor ng agrikultura sa Quirino partikular na sa ilang mga palay na kaunti lamang dahil na rin sa maagang pag-ani ng mga magsasaka.

Nakahanda naman aniya ang lokal na pamahalaan para tulungan ang mga apektado ng kalamidad.