LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Field Office 5 na handa na ang mga stockpiles sa mga bodega para sa epekto ng Bagyong Ramon.
Batay sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) ng ahensya, may 23,143 family food packs (FFPs) na available sa DSWD Warehouse sa Brgy. Bogtong, Legazpi City.
Maliban pa rito, may iba pang food items na nakalaan para sa repacking kung saan aabot sa 1,500 sako ng NFA rice, mga canned goods at kape.
Available rin ang iba pang non-food items sa bodega ng DSWD kagaya ng mga tents, sleeping, dignity, family, hygiene at kitchen kits, malong, laminated sacks at mga kumot.
Dagdag pa ng DSWD Bicol na may stand by funds para sa disaster operations ang ahensya na nasa P3-milyon.
Tutok rin umano at nakaalerto ang kanilang Disaster Response and Management Division (DRMD) at Quick Response Teams (QRTs) sa mga weather updates lalo na sa posibleng augmentation support na kakailanganin ng Operation Center.
Ipinag-utos naman ang pakikipag-ugnayan sa Local Disaster Risk Reduction and Management Offices para sa epektibong pagbibigay-ayuda sa mga posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.