TUGUEGARAO CITY – Balik eskwela na ang mga estudyante sa elementary hanggang graduate school sa lalawigan ng Cagayan, matapos bawiin ni Governor Manuel Mamba ang suspensyon ng klase dahil kay bagyong Ramon.
Habang mananatili ang suspensyon ng klase sa kindergarten at pre-school dahil kay bagyong Sarah na tinutumbok ang Hilagang Cagayan.
Gayonman, sinabi ni Mamba na nasa diskresyon ng mga municipal mayors kung palalawigin ang suspensyon ng klase lalo na sa mga lugar na nakakaranas ng pagbaha.
Kaugnay nito ay binawi na rin ang ipinatutupad na “LIQUOR BAN” sa buong probinsiya.
Patuloy namang minomonitor ng gubernador ang epekto ng bagyong Ramon sa lalawigan kung saan unti-unti na aniyang bumabalik ang mga evacuees sa kanilang tahanan.
Ayon kay Mamba, pinaghahandaan na rin nila ang posibleng pre-emptive evacuation sa magiging epekto ng papalapit na bagyong Sarah.
Kaugnay nito, pinauwi pansamantala ang mga rescue teams upang magpahinga ng ilang sandali bilang paghahanda sa susnod na bagyo.
Tiniyak din ng gubernador na sapat ang mga relief items sa mga biktima ng bagyong Ramon sa kabila ng patuloy na pagtulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Quiel, kamakailan.
Bukod sa local, may mga inaasahan pang mga relief goods na manggagaling sa ibang bansa.
Samantala, walang naitalang namatay sa mga apektadong lugar sa paghagupit ni Bagyong Ramon.
Bukod sa zero casualty ay ipinagmalaki rin ni Mamba ang pagtutulungan ng ibat-ibang ahensiya ng gubyerno at pakikiisa ng publiko sa preemptive evacuation.
Aniya, nauna nang nagbigay ng babala ang mga pamahalaang panlalawigan sa mga flood prone at landslide prone areas, kaya naman hindi na nag-atubili ang mga residente na pansamantalang lumikas sa kanilang tinitirhang lugar.
Samantala, nananatili pa rin sa red alert status ang mga frontline agencies sa probinsiya habang patuloy na nagbabanta ang bagyong Sarah.